VIGAN CITY – Ipinayo ng dating health secretary na ngayo’y miyembro na ng Kamara sa Department of Health (DOH) na magkaroon sila ng mahigpit na koordinasyon sa mga regional health offices at mga local government units upang mas maging epektibo ang mga hakbang na kanilang isinasagawa laban sa 2019 novel coronavirus.
Ito ay sa kabila ng pagiging novel coronavirus free ng bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Iloilo Rep. Janette Garin na marapat lamang na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon ang DOH sa mga LGU dahil sila ang frontliners sa pagsugpo ng nasabing virus sa local level.
Aniya, mas mapapabilis din umano ang kanilang pagtukoy sa mga posibleng pasyente na apektado ng nasabing sakit sa iba’t ibang panig ng bansa sa tulong ng mga lokal na opisyal.
Kasabay nito, muli ring ipinayo ng dating kalihim na ugaliin ang paghuhugas ng kamay at paggamit ng N95 masks imbes na mga ordinaryong surgical masks laban sa nasabing virus na una nang lumaganap sa China.