Nanawagan si Quezon Rep. Mark Enverga sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang pagbabantay sa presyo ng palay at tiyakin na hindi makakapagsamantala ang mga negosyante na magreresulta sa pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.
Ito ay kasunod sa nalalapit na anihan ng palay sa Marso na magtatagal hanggang Mayo.
Binanggit ng kinatawan mula sa Quezon na noong mga nakaraang anihan, lalo na noong Setyembre hanggang Oktubre, may mga ulat na napilitan ang ilang magsasaka na ipagbili ang kanilang palay sa halagang ₱14 hanggang ₱18 kada kilo o higit na mas mababang presyo.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa ₱20.69 kada kilo ang karaniwang presyo ng tuyong palay sa bukid noong Enero 2025. Ngunit kung hindi paiigtingin ang regulasyon, maaaring muling samantalahin ng mga mapagsamantalang negosyante ang paparating na anihan sa pamamagitan ng pagpapababa ng presyo.
Panawagan ni Enverga sa Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na mas palakasin ang pagbabantay at aktibong kumilos upang mapanatili ang matatag na presyo ng palay.
Hinimok niya ang NFA na bilhin ang hindi bababa sa 20% ng lokal na ani ngayong anihan para matiyak ang patas na presyo para sa mga magsasaka.
Iminungkahi rin ni Enverga ang paggamit ng isang real-time digital price monitoring system upang gawing mas malinaw at accessible ang farmgate prices.
Bagama’t mahalaga ang pananatili ng mababang presyo ng bigas sa mamimili, iginiit ng co-chair ng Quinta Comm na ang pangmatagalang solusyon ay bawasan ang labis na pagdepende sa imported rice.
Isinulong din niya ang mas pinalawak na subsidiya sa pataba, mas maayos na pasilidad para sa post-harvest, at mechanization programs upang mapababa ang gastos sa produksyon at mapataas ang lokal na ani ng bigas.
Nanawagan si Enverga sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Enforcement Group na agad bumuo at ipatupad ang malinaw at epektibong panuntunan upang labanan ang price-fixing at wakasan ang pananamantala sa mga magsasaka at mamimili.
Tiniyak din ni Enverga sa mga magsasaka at mamimili na ang House Murang Pagkain Supercommittee, o Quinta Comm, ay patuloy na magpapatupad ng mga pangmatagalang reporma upang patatagin ang industriya ng bigas.