Binigyang-diin ni Gilas Pilipinas bigman Kai Sotto na naging malaking tulong ang ginawang paghahanda para maipanalo ang naging laban sa team Latvia.
Ayon kay Sotto, labis nilang pinaghandaan ang nakalabang team lalo na at alam ng Gilas kung gaano ito kalakas sa paglalaro ng basketball.
Malaking tulong din aniya ang pagtutulungan ng buong team kung saan ang tiwala ng bawat player sa isa’t isa ay nakatulong para makapag-contribute ang bawat Gilas player.
Sa naging bakbakan ng Gilas at Team Latvia ay nagawa nin Kai na magpasok ng 18 points, kasama ang solidong depensa. Si Sotto ang nagsilbing pangalawang scorer ng Gilas sunod kay naturalized player Justin Brownlee na kumamada ng 26 – 9 – 9.
Samantala, hindi naman maitago ng team Latvia ang pagkadismaya sa kinalabasan ng kanilang laro laban sa Gilas.
Ayon kay Latvian forward Rodions Kurucs, hindi naging maganda ang execution ng buong team sa opensa habang mistulang hindi rin aniya gumana ang depensa ng koponan.
Dagdag pa ng 6’9 forward, mistulang pumalya ang kanilang enerhiya bilang isang koponan na siya namang sinamantala ng Gilas.
Kaninang madaling araw(July 4, oras sa Pilipinas) nang ginulat ng Gilas ang buong mundo matapos itumba ang world No. 6 na Latvia, 80 – 89 sa nagpapatuloy na Olympic Qualifying Tournament.
Sunod na makakalaban ng Gilas ang Team Georgia(world No. 23).