Umapela ang pamunuan ng Department of Transportation sa Land Transportation Office na magpatupad ng mahigpit na mga road safety measure sa mga kakalsadahan sa buong bansa.
Layon ng panawagan na ito na mabawasan ang bilang ng mga aksidente ng mga sasakyan at maging ligtas ang lahat ng mga motorista.
Kasabay ng isinagawang pagpupulong kahapon, hinamon ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang LTO na kaagad itong ipatupad ng sa gayon ay maiwasan ang mga aksidente sa kanilang mga area of responsibility.
Batay kasi sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang bilang ng mga naitatalang aksidente sa kakalsadahan sa buong bansa ay tumaas.
Noong 2021, umakyat ang bilang ng mga motoristang nasawi sa 11,000 kumpara sa mga nasawi noong 2011 na pumalo lamang sa 8,000
Taon taon ay umabot sa 12,000 ang namamatay na mga Pilipino dahil sa aksidente sa kalsada.
Samantala, upang matugunan ang concern na ito, nagpapatupad ang DOTr ng mga kaukulang programa batay sa Philippine Road Safety Action Plan.
Ito ay kinabibilangan ng road safety management, safer roads, safer vehicles, safe road users, at post crash response para mabawasan ang aksidente.