Hinimok ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpatupad ng mahigpit na patakaran sa surge pricing bago ang dagsa ng mga pasahero sa panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Ronald Gustilo ng Digital Pinoys, dapat nang matigil ang taunang problema ng sobrang taas ng pamasahe tuwing holiday rush sa pamamagitan ng mahigpit na regulasyon mula sa LTFRB.
Dagdag pa niya, bawat taon ay nagrereklamo ang mga pasahero ng TNVS (Transport Network Vehicle Service) dahil sa pagdodoble o pagtatatlong beses ng pamasahe, lalo na tuwing kinakailangan ang serbisyo. Dapat na umanong protektahan ng LTFRB ang mga pasahero mula sa sobrang taas ng pamasahe sa pinakabusiest season ng taon.
Sinabi pa ni Gustilo na ang tuloy-tuloy na surge pricing ng mga TNVS ay dapat imbestigahan at bigyan ng parusa kahit na may nadagdag na mga bagong unit ang mga TNVS firms.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism, laging may kasamang surge fees ang pamasahe sa GrabCar kahit na mataas na ang bayad, at madalas pa ring matagal ang hintayan ng mga pasahero.
Simula nang mabili ng Grab ang Uber, pinatawan na ng multa ang TNVS firm ng kabuuang P86.7 milyon dahil sa paglabag sa mga komitment sa merger deal, partikular sa pamasahe at serbisyo.