Ipinaiiral na ang mahigpit na seguridad sa Washington DC bago ang nakatakdang pagharap ni dating US President Donald Trump sa federal courthouse hearing nitong gabi ng Huwebes, dakong 16:00 EDT o alas-4 ng umaga ng Biyernes, oras sa Pilipinas.
Naglagay na rin ng metal barriers sa labas ng federal courthouse kung saan isasagawa ang pormal na pagbasa ng sakdal laban kay Trump.
Gayundin naglagay na rin ng mga harang sa may palibot ng US Capitiol building kung saan sumiklab ang riot ng mga tagasuporta ni Trump noong Enero 2021 dahil sa galit ng mga ito sa naging resulta noon ng eleksiyon.
Naglabas na rin ng statement ang Secret Service na siyang responsable sa pagbibigay proteksiyon sa pangulo at dating mga pangulo ng Estados Unidos, kung saan nagbabala ito sa publiko ng panandaliang traffic implications sa central Washington DC.
Hinigpitan din ang seguridad para sa proteksiyon ng mga huwes na sangkot sa kaso.
Inaasahan naman na aapela ng not guilty si Trump sa kaniyang pagharap sa korte.
Magugunita na kinasuhan si Trump ng federal courthouse ng panibagong criminal cases dahil sa pagtatangka nitong baliktarin ang resulta ng presidential election noong 2020.
Itinanggi naman ito ni Trump at kinondena ang panibagong kaso na ibinabato laban sa kaniya bilang katibayan umano ng korupsiyon, iskandalo at kabiguan ng Amerika sa ilalim ng Biden administration.