KALIBO, Aklan—Sinimulan na ng French government ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa inaabangang 2024 Paris Olympic Games na gaganapin sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.
Ayon kay Bombo International Correspondent Maryden Araneta, tubong Barangay Cabugao, Batan, Aklan at kasalukuyang nagtatrabaho sa Paris, France, inoobliga na aniya silang magpakita ng QR code kahit saan man magpunta bilang patunay na nagtatrabaho o residente ang mga ito ng lungsod.
Sa katunayan umano ay isinailalim na sa pinakamataas na alerto ang buong France dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga tao sa opening ceremony kung saan, libo-libong mga pulis at sundalo ang ipinakalat sa mga stragetic places na kadalasang dinadagsa ng mga tao.
Dagdag pa ni Araneta na hindi lang paghahakot ng mga medalya sa Olympics ang nais ng French government kundi ang matagumpay na pag-host ng pinakamalaking palaro sa buong mundo.
Nabatid na mahigit sa 10,000 ang inaasahang delegasyon mula sa buong mundo at ito ang unang pagkakataon na gaganapin ang opening ceremony ng summer Olympics sa labas ng main athletics stadium.
Sa kasalukuyan ay nasa 22 ang mga atletang Pinoy na makikipagsapalaran ng mga medalya sa Paris, Olympics.