-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kasabay ng takip silim, muling paiinitin ng mga kandidata ng Miss Universe Philippines 2024 ang Isla ng Boracay sa kanilang pagrampa para sa swimsuit challenge na gaganapin sa isang hotel bandang alas-7:00 mamayang gabi, Abril 20 sa Isla ng Boracay.

Magpapatalbugan sa swimsuit competition ang 53 na kandidata sa pagsabak sa kanilang kauna-unahang mahalagang preliminary contests sa loob ng Aqua Boracay, kung saan maari makapanood ang publiko sa special entry rate na may kasama nang dinner buffet.

Hinihikayat ang mga fans na bomoto para sa kanilang paboritong kandidata sa pamamagitan ng online voting upang makatulong na makakuha ng spot sa finals ng Miss Universe Philippines 2024.

Kasama sa mga matunog na pangalan ngayong taon ang pambato ng Iloilo na si Alexie Brooks at Athisa Manalo ng Quezon Province.

Kokoronahan ng reigning queen na si Michelle Marquez Dee ang kanyang successor sa final competition sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Mayo 22.

Ang mananalo sa 2024 Miss Universe Philippines ang kakatawan sa bansa sa 73rd Miss Universe pageant na gaganapin sa Mexico, kung saan dito malalaman kung sino ang papalit kay Sheynnis Palacios.

Sakaling palarin sa kompetisyon, ang kandidata ng Pilipinas ang siyang magiging pang-lima na makakakuha ng nasabing titulo.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na mahigpit na seguridad ang kanilang ipatutupad sa mga lugar na pupuntahan ng mga Miss Universe Philippines candidates gayundin sa pagdadausan ng event.