KALIBO, Aklan—Kasado na ang deployment at security plan ng Malay Municipal Police Station para sa taunang selebrasyon ng sariling version ng Sto. Niño Ati-Atihan Festival sa isla ng Boracay sa Enero 13-14, 2024.
Sinabi sa Bombo Radyo Kalibo ni P/Lt.Col. Mar Joseph Ravelo, OIC-chief of police ng Malay PNP Station na nakahanda na ang buong pwersa ng pulisya sa pagmonitor at pagbantay sa nasabing selebrasyon na inaasahang lalahukan ng mga dayuhang turista at bakasyunista ang merry making na isasagawa sa mismong front beach ng isla.
Magpapakalat ng mga police personnel kasama ang mga force multiplier sa mga mataong lugar na pagdadausan ng mga event kagaya ng front beach.
Ang Ati-Atihan de Boracay ay sinisimulan ng fluvial parade ng imahe ni Sto. Niño sa baybayin ng isla na susundan ng misa sa Parish of the Most Holy Rosary sa Balabag Plaza.
Marami sa mga residente at turista ay nagpapahid ng uling sa buong katawan upang magmukhang katutubong Ita habang ang iba ay nakasuot ng makukulay na costume upang makalahok sa mga tribu at grupong sumasayaw sa tunog ng mga tambol at iba pang musical instruments sa puting buhangin sa gilid ng dagat.
Ang Ati-Atihan sa isla ay isa sa mga tourist attractions tuwing buwan ng Enero.