-- Advertisements --

DAVAO CITY – All-set na ang mga tauhan ng Davao City Police Office o DCPO kasama ang Police Regional Office o PRO XI, at buong Safety and Security cluster sa lungsod ng Davao para sa deployment ng mga pulis upang matiyak na maayos ang takbo ng mga aktibidad at walang banta sa seguridad sa pagdiriwang ng 37th Kadayawan Festival, lalo na’t ang mga malalaking kaganapan ay gaganapin ngayong araw, Sabado, Agosto 20.

Highlight ngayong araw ang Indak-Indak sa Kadalanan at sa Linggo naman, Agosto 21, gaganapin ang Pamulak sa Kadayawan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Police Major Maria Teresita Gaspan, tagapagsalita ng DCPO XI, inihayag nito na mahigpit na ipinatutupad ang mga hakbang sa seguridad mula sa outer layer hanggang sa inner layer ng security blanket.

Ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad ay ipapatupad ng mahigit sa 5,000 mga tauhan ng kapulisan na itinalaga sa mga lugar kung saan gagawin ang iba’t-ibang mga aktibidad.

Bukod dito, walang banta sa seguridad na naitala ang ahensya ngunit hindi ito pakukumpiyansa.

Ang mga hakbang sa seguridad nito ay palaging nasa mataas na antas ng alerto sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga checkpoint sa loob at labas ng Davao City.

Kasama rin sa security coverage nito ang deployment ng mga tauhan sa mga building ng gobyerno at iba pang imprastraktura.