-- Advertisements --

Itinuturing ng Department of Education (DepEd) na maganda ang naging takbo ng unang linggo ng pagbabalik ng klase sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Pero, inamin naman ng DepEd na hindi raw talaga maiiwasan na magkaroon ng ilang mga problema lalo pa’t distance learning ang ipinatutupad na sistema ng edukasyon ngayon sa harap ng coronavirus pandemic.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni Education Usec. Tonisito Umali, pangunahin sa kanilang mga natanggap na reklamo ay ang mahina o hindi kaya’y kawalan ng internet connection ng mga mag-aaral sa ilang mga eswkwelahan para sa kanilang online class.

Maging ang problema sa pagkuha ng mga modules ay kabilang din aniya sa mga hinaing na nakakarating sa kanilang mga tanggapan.

Sa kabila nito, siniguro ni Umali na gumagawa na raw ng paraan ang kagawaran para maisaayos ang naturang mga problema, lalo na sa isyu ng internet connectivity.

“Inutusan po [ni Sec. Leonor Briones] ang tamang strand namin, ang ICT, ang aming undersecretary, mga assistant secretaries, at mga directors to closely coordinate with [DICT],” wika ni Umali.

Batay sa pinakahuling datos mula sa DepEd, nasa 24.83-milyon nang mga mag-aaral ang nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, umabot na sa 22.6-milyon ang mga enrollees sa public schools, na mas mataas nang bahagya kumpara sa 22.5-milyon noong nakalipas na taon.

Habang nasa 2.1-milyon lamang ang enrollment turonout sa pribadong mga institusyon.

Patuloy naman ang panghihikayat ng DepEd na puwede pang humabol ang mga hindi pa nag-eenroll hanggang Nobyembre 21.