-- Advertisements --

Nagbabala ang PAGASA sa publiko na posibleng maranasan sa buwan ng Oktubre o Nobyembre ang mahinang La Nina.

Ayon kay PAGASA Administrator Vicente Malano, patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa posibleng development ng La Nina mula nitong Marso.

Ang La Niña ay ang hindi pangkaraniwang haba ng panahon ng tag-ulan kung saan lumalamig ang temperatura ng silangang bahagi ng Karagatang Pasipiko, maikli ang tag-araw, mas maraming bagyo, at mas malamig ang hangin.

Batay sa La Nina Watch ng weather bureau, ipinapakita ng kasalukuyang kondisyon at model forecasts na may mahigit sa 50% tsansa na may mamuong mahinang La Nina sa huling bahagi ng Oktubre o Nobyembre, na maaaring tumagal hanggang sa unang quarter ng 2021.

Nagbigay naman ng abiso si Malano sa lahat ng mga kinauukulang ahensya na magpatupad ng precautionary measures upang mabawasan ang posibleng negatibong epekto ng naturang weather phenomenon.