VIGAN CITY – Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ng isang medical technologist sa New York City dahil nalampasan nito at ng kaniyang asawa ang sakit na coronavirus disease (COVID- 19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Dr. Ramil Aquino na isang medical technologist sa Monte Fiore Medical Center, New York na nauna umanong nagpositibo sa nasabing sakit ang kaniyang asawa na nagtatrabaho bilang health worker sa isang nursing home sa NYC kung saan mayroong nagpositibo sa nasabing sakit noong Marso 24.
Pagkatapos umano ng dalawang araw, nakaramdam umano si Aquino ng mga sintomas ng nasabing virus kagaya na lamang ng lagnat hanggang sa napatunayang positibo ito sa nasabing virus.
Dahil hindi naman malala ang mga sintomas na kanilang nararamdaman, pinayuhan sila ng doktor na manatili na lamang sa loob ng kanilang tahanan at sundin ang mga health protocols.
Sa mga panahong nasa loob umano sila ng kanilang tahanan, nalulungkot umano silang mag-asawa dahil sila pa na mga frontliners ang nagpopositibo sa nasabing virus gayong dapat sila ang nag-aalaga sa mga apektado nito.
Laking pasasalamat at tuwa umano ang kanilang naramdamang mag-asawa nang matapos ang kanilang treatment at mapatunayang nalagpasan na nila ang COVID-19.
Sa ngayon, naka-sick leave pa umano si Aquino at inaasahang sa susunod na linggo ay balik na ito sa kaniyang trabaho.