CENTRAL MINDANAO-Sumuko ang isang kilabot na pinuno ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Joint Task Force Central sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala itong si Kumander OV-10 at 10 niyang mga kasama na mga tauhan ni Kumander Imam Bongos ng BIFF-Bongos faction.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Spokesman Lieutenant Colonel John Paul Baldomar na sumuko ang mga rebelde sa tropa ng 2nd Mechanized Battalion sa pakipagtulungan nina Datu Piang Mayor Victor Samama at Datu Anggal Mayor Nathaniel Midtimbang.
Dala ng sampung BIFF sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas kabilang na ang dalawang B-40 anti-Tank rockets.
Ang naturang lider ng BIFF ay tinaguriang Kumander OV-10 dahil makailang beses na itong nakaligtas sa air assault ng US-made OV-10 Bronco turboprop light attack aircraft simula pa noong 1990.
Sumali si OV-10 sa grupo ni Kumander Ustadz Ombra Kato taong 2011.
Sinabi ni 6th ID Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy na umaabot na sa mahigit 300 BIFF na ang sumuko sa militar at pulisya na gumagamit ng watawat ng mga terorista at nakipag-alyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Pinuri naman ni MGen Uy ang mga Local officials ng dalawang bayan sa Maguindanao na tumulong sa mapayapang pagsuko ng grupo ni Kumander OV-10 sa Joint Task Force Central.
Hinikayat muli ni MGen Uy ang ibang BIFF na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.