-- Advertisements --
Patuloy ang ginagawang damage assessment ng mga engineers ng BRP Ramon Alcaraz matapos na magliyab ito ilang oras makaraang maglayag galing sa Port of Cochin sa India pabalik ng Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Navy, nangyari ang sunog nitong Huwebes ng gabi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-umpisa umano ang sunog sa main engine room ng barko.
Kagyat namang naapula ang sunog sa loob lamang ng 10-minuto.
Nagtamo ng second degree burns ang dalawang tauhan ng barko at agad dinala sa naval hospital sa Chochin.
Inaalam pa sa ngayon kung kakayaning magpatuloy sa paglalayag ng barko o babalik muna sa pantalan sa India para kumpunihin ang natamong pinsala.