Sa unang pagkakataon, kinumpirma na ni Maine Mendoza na nasa “dating stage” nga sila ng kapwa celebrity na si Arjo Atayde.
Ito’y mahigit isang buwan mula nang unang umamin si Atayde na exclusively dating sila ni Mendoza.
Idinaan naman ni Maine ang kanyang rebelasyon sa pamamagitan ng blog entry kagabi na bisperas ng kanyang 24th birthday ngayong araw, March 3.
Ayon sa birthday girl, alam niyang marami ang hindi sang-ayon sa espesyal na pagtitinginan nila ng 28-year-old actor dahil sa “loveteam culture” sa Pilipinas
Gayunman, pinili raw niyang makipag-date kay Arjo upang mas makilala ito ng lubusan at hindi lang dahil sa mga judgement ng ibang tao.
“I wouldn’t deny that our friendship is growing deeper with time. He always goes out of his way to make me extra happy and actually puts in effort in everything he does. I appreciate everything he does for me and I am happy that I get to experience such wonderful things,” bahagi ng blog ni Maine.
Una rito ay makailang beses nang napabalita na madalas nakikitang magkasama sina Arjo at Maine.