Inaasahang mararanasan ang mainit at maalinsangang panahon ngayong linggo.
Sa kabila nito, ayon sa state weather bureau, hindi pa nagtatapos ang malamig na panahon dahil sa Amihan.
Kung saan tinatayang iiral pa rin ang humihinang Amihan hanggang bukas, araw ng Martes, Marso 11 at posibleng mawala kasama ang shear line.
Mararamdaman muli ang panibagong surge ng Amihan sa extreme Northern Luzon simula nitong nakalipas na linggo at maaaring tumagal hanggang ngayong linggo.
Sa kalagitnaan naman ng Linggo, iiral sa buong kapuluan ang humid easterlies o mainit na pag-ihip ng hangin mula sa Karagatang Pasipiko, na magdadala ng mainit na temperatura at thunderstorms sa hapon.
Samantala, wala namang inaasahang weather disturbance sa bansa ngayong linggo.
Sa lagay naman ng panahon ngayong Lunes sa mga lugar sa bansa, kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan ang iiral sa eastern Cordillera, Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Camarines provinces bunsod ng Amihan at Shear Line na inaasahang huhupa bukas, araw ng Martes.
Karamihan ng lugar sa bansa ay makakaranas ng mainit at maalinsangang panahon sa nalalabing araw ngayong linggo.
Magdadala naman ang panibagong surge ng Amihan ng malamig na panahon at mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan sa Cordillera region at Cagayan Valley sa araw ng linggo.
Sa Metro Manila, magiging maaraw at mainit ang panahon na may maulap at posibleng isolated thunderstorm sa hapon o gabi sa isa o dalawang araw ngayong linggo.