-- Advertisements --

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa pag-ambush patay sa kilalang hardhitting commentator na si Percival Mabasa o mas kilala na si Percy Lapid.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Roy Mabasa, isang kolumnista at kapatid ng biktima, sinabi nitong nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya at bukod sa kanilang sa mga statements ay sinusuri na rin ngayon ng mga otoridad ang dash camera sa sasakyan ni Percy at ang mobile phone nito.

Aniya, wala namang sinasabi si Percy na may death threat ito pero diumano’y baka hindi lang nito gustong mag-alala ang kanyang pamilya.

Habang, isinalaysay rin ni Mabasa na sa loob ng 35 taong pagiging brodkaster ay talagang matindi na ang karakter ng kanyang kapatid at sa paglipas ng panahon ay naging matalas na ang binibitawan nitong pananalita at pag-aanalisa sa mga tinatalakay nitong isyu kaya marahil marami ang nasasaktan.

Dagdag pa nito, ayaw niyang gumawa ng konklusyon ngunit sinabi nitong wala namang kaaway sa labas ang kanyang kapatid at tanging mga tinatawag nitong ‘leaders of the land’ o mga politiko lang ang laman ng kanyang maiinit na mga komentaryo kaya ito ang dapat tutukan ng mga imbestigador.

Bilang isang mamahayag, hindi nito akalain na sa kanyang adbokasiya na itigil ang sunod-sunod na pagpatay ng mga kasamahan sa media ay mangyayari din mismo sa kanyang pamilya kaya pag-usad ng hustisya ang kanyang panawagan.