Sa New Bilibid Prisons (NBP) na idiniretso ang dating team leader ng kontrobersyal na buy bust operation sa bahay ng Chinese drug personality na si Johnson Lee sa Pampanga.
Ayon kay Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon, ikukulong si P/Maj. Rodney Baloyo sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
“We now move to detain Major Baloyo at New Bilibid Prison instead of Pasay City Jail,” pahayag ni Gordon.
Bumigat kasi ang isyu ng pagsisinungaling ni Baloyo dahil sa nagbabanggaang impormasyon nito ukol sa raid sa bahay ng Chinese na si Lee.
Nakadagdag pa rito ang pahayag ni retired P/C/Supt. Manuel Gaerlan na dating deputy regional director na nakakasakop sa tropa ng nasabing pulis.
Iginiit ni Gaerlan na pawang kasinungalingan ang mga naging pahayag ni Baloyo at wala itong naipakitang supporting document sa kanilang isinagawang imbestigasyon.
Maliban sa police major, na-cite in contempt din sina BuCor personnel Sr. Insp. Maribel Bansil at Corrections Officer 3 Veronica Buño dahil sa pagsisinungaling sa mga nakaraang hearing.
Pero bilang konsiderasyon, binigyan ni Gordon ang dalawa ng “humanitarian contempt.”
Ibig sabihin, hindi sila ikukulong sa Bilibid dahil baka raw manganib ang kanilang buhay, lalo’t doon din sila nagbabantay.
Makukulong na lamang ang dalawa sa gusali ng Senado, hanggang sa tuluyang bawiin ng mga senador ang utos na pagpiit sa kanila.
“We also cite Veronica “Boday” Buño and Ma. Belinda “Mabel” Bansil in contempt and will be detained at the Senate until further notice. They may also face perjury for not telling the truth that they had series of concersation with our witness, Yolanda Camilon,” wika ni Gordon.