Kinokondena ng labing-pitong agriculture group ang pagbabawas ng taripa, at humihiling ang mga ito na pagbitiwin na sa puwesto si Secretary Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Authority (NEDA), dahil sa umano’y “pro importation ideology” nito.
Kabilang sa mga grupo ang SINAG, FFF, KMP, PHILCONGRAINS, ABONO Party-list, UBRA, Phil Egg Board, NFHFI, AGAP Party-list, Phil Palay, PCAFI, PhilMaize, AA, RWAN, IRDF, Bantay Bigas, at P4MP.
Ayon kay Jayson Cainglet, tagapamahala ng grupo ng mga magsasaka na SINAG, nagkaisa ang lahat ng labing-pitong grupo sa agrikultura dahil sa pananaw ni Balicasan at kontra silang lahat sa kanyang inihaing pagbawas ng taripa sa mga produktong agrikultura.
Ani Leonardo Montemayor, dating Kalihim ng Department of Agriculture (DA) at chairperson ng FFF (Federation of Free Farmers), susulat sila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., may tiwala raw siya na kung magkakaroon sila ng personal na pagpupulong, tingin niya ay kailangan nilang sabihin sa Pangulo na nais nilang magbitiw si Secretary Balisacan. Dagdag pa rito, dapat umano na bumalik na lang si Balicasan sa Philippine Competition Commission.
Sa kabilang banda naman, sinabi ni Danny Fausto, ang pangulo ng PCAFI (Philippine Chamber of Agriculture and Food), si Secretary Balicasan ay galing na umano sa Department of Agriculture—undersecretary for planning. At siguro ay hindi pa ito nakatutungtong sa lupa, o sa realidad kaya naman ay pakiusap niya na magpahinga na muna si Balisican.