Irerekomenda umano ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpapatupad ng reorganisasyon sa Bureau of Immigration (BI) matapos mabunyag sa Senado ang “pastillas” modus operandi sa loob mismo ng ahensya.
Isiniwalat ni Hontiveros sa pagdinig ng hawak nitong Senate panel ang naturang scheme kung saan pinapapasok sa bansa ang mga Chinese nationals kapalit ng P10,000.
Sa isang panayam, sinabi ni Hontiveros na pag-aaralan nito ang nasabing rekomendasyon habang gumagawa pa ang kanyang komite ng draft report sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon.
“Dahil tulad ng nabanggit mo sa simula kung palaki nang palaki ang nakikitang problema sa POGO, di lang prosti, meron pang trafficking, illegal recruitment at ngayon pag corrupt sa BI, nagmukha nang invasion dahil nagpapasok ng ibat ibang syndicated crimes,” wika ni Hontiveros.
Bago ito, sa kanyang testimonya, inihayag ni Immigration Officer Allison Chiong na nasa 90% ng mga BI officers sa Ninoy Aquino International Airport ay sangkot sa modus.
Kaya naman, ayon sa mambabatas, kanya raw hahalungkatin nang husto ang isyu upang malantad ang mga dawit sa iligal na gawain lalo ang mga nakakakuha ng malaking bahagi sa bribery scheme.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasibak sa mga Immigration officials at mga empleyado na umano’y may koneksyon sa kontrobersya.