Inihayag ni House Majority leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe na mismo ang Commission on Audit (COA) ang nagpatunay na walang iregularidad sa ginawang paggamit ng Kamara de Representantes sa pondo nito taliwas sa bintang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dalipe naglabas ng sertipikasyon ang COA na may petsang Oktobre 2, 2023 na nagsasabi na hanggang noong Setyembre 30, 2023 ay walang notice of suspension, disallowance, o charge ang Kamara.
Sinabi ni Dalipe na noong Hulyo 6, 2023 ay naglabas ng report ang COA kung saan nakasaad na ito ay mayroong budget surplus na P4.69 bilyon noong 2022.
Ayon sa Majority leader na lahat ng kailangan na i-submit ng House of Representatives, lahat ng kung anong kailangan i-liquidate ay kino comply at nirereport ng House of Representatives sa Commission on Audit.
Ginawa ni Dalipe ang pahayag matapos akusahan ni dating Pangulong Diterte ang Kongreso na hindi umano sinusuri ng COA.
Giit ni Dalipe na walang basehan ang sinabi ng dating Pangulo dahil dumaraan din ang Kamara sa masusing pagsusuri ng COA katulad ng ibang ahensya ng gobyerno.
Ang sertipikasyon umano ng COA ay indikasyon na nagagamit ng tama ng Kamara ang pondong inilaan dito.
Nauna rito ay hinamon ni Duterte ang COA na ilabas kung papaano ginagamit ng Kongreso ang pondo nito.
Ikinalungkot naman ng mga miyembro ng Kamara ang pahayag ni Duterte.
Sinabi ni Dalipe na ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring may kaugnayan sa naging desisyon ng Kamara na ilipat ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na kapwa pinamumunuan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Ipinunto ni Dalipe na bukod sa OVP at DepEd ay mayroon ding iba pang ahensya na inalisan ng confidential funds gaya ng Department of Agriculture na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang namumuno.
Kasama sa nakinabang sa paglilipat ng pondo ng Kamara ay ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council, at Philippine Coast Guard na tumutulong sa mga mangingisda sa WPS.