CENTRAL MINDANAO – Pangarap ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu ang totoong pagbabago sa probinsiya ng Maguindanao.
Gustong isulong daw ng gobernadora ang pagkakaroon ng mapayapa, maunlad at malusog na Maguindanao.
Ito ang idineklara ni Mangudadatu kasabay ng kanyang state of the province address ng 1st Inaugural Session ng mga myembro ng 19th Sangguniang Panlalawigan.
Isinagawa ito sa Provincial Capitol Gym sa Shariff Aguak, Maguindanao.
Bisita sa SOPA ni Mangudadatu si Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary for Peace and Security Alexander Macario, mga lider ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mga opisyal ng 6th Infantry Division, PNP, mga guro, mga local leaders at mga kapamilya, kaibigan at tagasuporta ng Team Gobyernong May Malasakit sa Maguindanao.
Nahaharap naman ngayon si Governor Bai Mariam sa napakalaking hamon para sa kanyang adbokasiyang magkaroon ng makabagong Maguindanao.
Hinimok ng opisyal ang lahat na samahan siya kanyang sa paghahatid ng moral governance sa Maguindanao.
Kinumpirma rin ng gobernadora na hanggang ngayon ay ‘di pa na-iturn-over sa kanya ang bank book ng probinsya at may malaking utang umano ang lokal na pamahalaan ng Maguindanao sa Landbank.