CAUAYAN CITY – Pinangunahan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Region 2 ang pagpapasinaya mga bagong uri ng transportasyon sa rehiyon na ginanap sa Santiago City.
Ang mga pinasinayaang sasakyan ay kinabibilangan ng 11 taxis, anim na modernized jeep at tatlong bus.
Ipinasakamay na ang mga sasakyan sa limang mga kooperatiba na kinabibilangan nina Benjamin Teague at Wilson Florida na kumatawan sa kanilang mga kooperatiba, ang First Novo Vizcayano Travellers Transport Cooperative, ang Didipio Community Transport and Multipurpose Cooperative at ang Northern Luzon Transport Operators and Drivers Multipurpose Cooperative (Noltansco).
Nagkaroon din ng road show caravan mula sa barangay Mabini hanggang sa 4-lanes Malvar, Santiago City na may temang ‘one direction to watch PUV modernization’.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Daniel Gaffud, chairman ng Noltransco, sinabi niya na mayroon nang provisional authority to operate ang 11 taxi ng Noltransco subalit hindi pa nila maaring ifull-operational.
Ang ibinigay umano na prangkisa sa kanila ng LTFRB ay mula sa lunsod ng Santiago hanggang sa anumang bahagi ng Region 2 at ang flagdown rate nila ay P35 habang P13 ang bawat kilometro.
Wala umanong terminal ang mga taxi sa Santiago City subalit mamimigay sila ng mga calling card o contact number para kung kailangan nila ang serbisyo ng kanilang mga taxi ay tawagan na lamang sila.