Binatikos ng Makabayan bloc ang paggiit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na biro lamang ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya raw ang nasa likod ng pag-ambush kay dating Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.
Sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na malinaw ang naging pag-amin ni Pangulong Duterte dahil kapag ulit-ulitin ang video ay klaro ang sinabi nito patungkol sa nasabing insidente.
Tila may diperensya aniya sa pagdinig at pag-unawa si Panelo dahil taliwas ang paliwanag nito sa sinabi mismo ni Pangulong Duterte.
“Dadating ang araw ng pagpapanagot sa mga maysala at diktador tulad ng kung paano ito dumating noon sa diktador na si Marcos,” ani Brosas.
Iginiit naman ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na hindi maaring biro lamang ang turing sa naging pag-aamin ng Pangulo lalo pa at wala pang napapanagot sa pagtatangka sa buhay ni Loot.
Dapat aniya na pagsimulan na ito ng mga masusing imbestigasyon at pagbibigay ng hustisya sapagkat hindi naman ito ang unang beses na nagbanta at nag-utos ang Presidente na patayin ang mga sangkot sa iligal na droga, maging ang mga human rights defenders at iba pang kalaban sa politika.
“Itigil na ang culture of impunity. Ngunit paano matitigil kung mismong ang presidente ang nagpapalaganap ng ganitong kultura,” sambit ni Elago.
Kaya naman ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, dapat na seryosohin ng PNP ang naging pag-amin ng Pangulo lalo pa at hindi pa nahuhuli ang mga suspek na nagtangka sa buhay ng dating alkalde.