Binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang aniya’y mabagal na pagresponde ng Armed Forces at Philippine Coast Guard sa pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.
Sa isinagawang pagdinig ng Special Committee on West Philippine Sea, pinuna ni Castro ang umano’y pagiging “reactive” ng gobyerno sa presensya ng Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef.
Ipinunto ni Castro na hindi umano katanggap-tanggap na November 5 at 6 pa nabatid ang pagkukumpulan ng militia vessels ngunit December 2 lamang gumawa ng aksyon ang pamahalaan.
Sagot naman ni Western Command Commander Rear Admiral Alberto Carlos, mayroon silang sinusunod na operational procedures upang komprontahin ang namamataang barko kabilang ang radio challenges at pag-dokumento sa insidente.
Hindi naman kumbinsido si Castro sa pahayag ni Carlos at iginiit na hindi epektibo ang procedure dahil nasa exclusive economic zone o EEZ pa rin ang militia vessels.
Umalma naman si Phil. Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa pahayag ng mambabatas at sinabing ginagawa nila ang lahat sa kabila ng limitadong assets para lamang magampanan ang sinumpaang tungkulin.