Pinagbibintangan ngayon ni Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. ang ilang miyembro ng makabayan bloc na humarap sa ginawang pagdinig sa Senado noong Martes, November 24.
Ayon kay Parlade, nagpakita lamang ang Makabayan bloc sa Senate hearing para lamang magsinungaling. Hiniling pa umano ng mga ito na huwag sumipot si Parlade sa hearing pero hindi naman nila nagawang sabihin ang mga rebelasyon ng dating mga rebelde.
Gumawa pa umano ng eksena ang mga ito sa kanilang ‘no-show’ acting upang magkaroon ng element of suspense ngunit wala naman silang isiniwalat tungkol sa mga witnesses na nagbunyag sa koneksyon ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) sa kanilang mga anibersaryo.
Pinatutsadahan din nito si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago sa pamimilit nito na ang pagsali sa mga komunista at pagsusulong na pabagsakin ang gobyerno ay makatarungang hakbang.
Hindi rin pinaniniwalaan ni Parlade ang sinabi ni Elago na nais niyang makipag-usap sa gobyerno para resolbahin ang gusot ngunit hindi kasali rito si Parlade.
Tinawag niya pang hipokrito at plastic ang grupo ni Elago. Pinaniniwala raw kasi nito ang publiko na nasa bingit ng kapahamakan ang kaniyang buhay pero ang mga dating rebelde umano ang nanguna sa pag-red tag sa kanilang grupo.
Pinasinungalingan din nito ang sinabi nina Elago at dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño na matuturing na matapang at dakila ang mga kabataan na nagboluntaryong sumali sa NPA.