-- Advertisements --

Pinaghahandaan ng Makabayan bloc ang posibilidad na lumala pa lalo ang red-tagging sa kanila ng militar kasunod nang pagkakapaslang sa anak ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat sa isang engkuwentro sa bayan ng Marihatag sa Surigao del Sur, ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate.

Ayon kay Zarte, inaasahan na nilang gagamitin ng militar sa kanilang pinaigting na red-tagging ang pangyayaring ito.

Nakahanda rin aniya sila kapag palalabasin ng militar na ang pagkakapaslang kay Jevilyn Cullamat ay ebidensya na ang mga bumubuo sa Makabayan bloc ay front ng underground movement ng mga rebeldeng komunista.

Pero kung mayroong isang bagay man aniyang napatunayan sa insidenteng ito ay dapat na tingnan ng pamahalaan kung bakit hanggang sa ngayon, makalipas ang mahigit limang dekada, ay marami pa ring mga kababayan ang pinipili na magbitbit ng armas para ipaglaban ang mga problema sa lipunan.

Kasabay nito ay mariing kinondena ng Makabayan Bloc ang pagpapakalat sa litrato ni Jevilyn matapos itong mapaslang sa engkuwentro.

“The military blatantly violated  International Humanitarian Law (IHL) by desecrating the remains of Jevilyn, circulating photos of her obviously artificially posed body as though she were still carrying a rifle, and with troops displaying her corpse alongside captured paraphernalia,” bahagi ng pahayag ng Makabayan bloc.

“The soldiers did not only disrespect her remains but even  used it like a trophy for propaganda purposes,” dagdag pa nila.