Binigyang-diin ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pangangailangang ma-impeach na si Vice President Sara Duterte bago ang Christmas break ng Kongreso.
Ito ay upang mapanagot ang pangalawang pangulo mula sa umano’y labis na pag-aksaya sa pondo ng gobiyerno.
Pagdidiin ni Bayan chairman Teddy Casiño, dapat ay agad nang ipadala ng Kamara de Representantes ang impeachment complaint sa Senado upang umusad na sa lalong madaling panahon.
Sa pamamagitan nito aniya ay matitiyak ang napapanahong desisyon laban kay VP Sara bago pa man ang 2025 Midterm Elections.
Giit ni Casiño, ang paggawad ng hustisya at pananagutan laban sa mga nakakataas na opisyal ng gobiyerno ay dapat prayoridad ng legislative department.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paglikom ng Makabayan bloc ng 106 pirma mula sa mga kongresista para masupurtahan ang mas mabilis na pag-usad ng kanilang inihaing reklamo.
Nahaharap si VP Sara sa dalawang impeachment complain: una ay ang inihain ng civil society group at Akbayan, pangalawa ay ang inihain ng Makabayan bloc.
Una na ring inilutang ni House Secretary General Reginald S. Velasco ang posibilidad ng ikatlong impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.