LEGAZPI CITY – Pinag-aaralan na ng mga abogado ng Makabayan bloc ang isasampang kaso kaugnay ng patuloy na “red tagging” sa mga progresibong grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, mas lumakas pa umano ngayon ang mga pag-atake sa kanila.
Kamakailan lamang ng mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang maghayag na legal fronts at co-conspirators umano ang mga ito ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay Zarate, paulit-ulit na lamang na binabanggit ang naturang alegasyon subalit wala namang maipresentang ebidensya.
Napatunayan rin umano sa pagdinig ng Senate committee on national defense na kabalbalan at kasinungalingan lamang ang mga pahayag ng pinatayong “star witness”.
Samantala, welcome development naman para kay Zarate ang pahayag ni Sen. Ping Lacson na seryosong ikinokonsidera na irekomendang mapabilang sa mga krimen ang “red-tagging”.