LEGAZPI CITY – Plano ng Makabayan bloc na magpasa ng resolusyon na pormal ng magdedeklara sa anibersaryo ng EDSA People Power tuwing Pebrero 25 bilang isang national holiday.
Ito’y matapos na hindi makasama ang People Power anniversary sa listahan ng mga regular at special non-working days na ipinalabas ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Alliance of Concerned Teachers partylist Representative France Castro, tila sinasadya na ito ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang makalimutan ng mga Pilipino ang People Power revolution na naging daan upang mapatalsik sa pwesto ang ama nito na si dating Presidente Ferdinand Marcos Sr.
Subalit nanindigan pa rin ang mambabatas na ipagdiriwang pa rin ng Makabayan bloc sa Kamara at ng mga miyembrong guro ang okasyon na isa sapinaka-importanteng pangyayari sa kasaysayan ng bansa.
Bumubuo na rin ngayon ang Makabayan bloc ng resolusyon na magdedeklara sa Pebrero 25 bilang isang special non-working holiday upang palagi ng maipagdiriwang ang anibersaryo ng People Power revolution.