Ipinasususpinde ng ilang mambabatas sa Kamara ang implementasyon ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law dahil sa pagkalugi umano ng mga lokal na magsasaka dulot ng maluwag na importasyon ng bigas.
Nitong araw nang ihain ng Makabayan bloc, sa pangunguna nila Anakpawis Rep. Ariel Casilao at Gabriela Rep’s. Emmie De Jesus at Arlene Brosas ang isang resolusyon na nananawagan sa administrasyon na ihinto ang implementasyon ng kaapruba pa lang na batas.
Ayon kay Casilao, nakatanggap ang kanilang hanay ng mga ulat na pumalo na sa halos P11-bilyon ang nalulugi sa local rice farmers simula ng lagdaan ng pangulo ang batas noong Pebrero.
“We’ve been receiving reports na P10 to P11-billion na ang loss ng local rice industry. Umaabot na sa pinaka-mababa, P9.57 (ang) farm gate price ng palay. This is the lowest since ilang dekada na ang nakakaraan. We attribute this impact to the influx of imported rice. Pumapasok na ang humigit kumulang 4.2-million metric ton na imported rice mula Thailand at Vietnam. Nagkataon pa sa unang cropping season of the year (sumabay ang importation.),†ani Casilao.
Umaasa ang mga kongresista na bagamat magsasara na ang 17th Congress ay bibigyang pansin pa rin ito ng kanilang mga kasamahan sa mababang kapulungan.
Handa rin daw ang kanilang hanay na isulong sa pagbubukas ng bagong Kongreso ang panukala kung hindi papalarin na makalusot ngayon.
“We have on going negotiations with Sen. Grace Poe to co-sponsor in the Senate the Resolution of Both Houses No. 18 in the remaining four session days of the 17th Congress. Sana naman ay makita, madama nila ang napaka-urgent na pangangailangang tugunan sa ating mga magsasaka na nakaasa ang kabuhayan sa lokal na industriya.â€