-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanawagan ang isang mambabatas sa minority bloc sa Kamara bilisan na ng Malakanyang ang pag-aksyon sa panawagan na isuspinde ang excise tax sa ilang produktong petrolyo.

Ito ang tinitingnang isa sa nagpapataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Napag-usapan rin ang naturang isyu sa joint committee sa Kamara binubuo ng Committees on Ways and Means, Transportation, Energy at Economic Affairs.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, hindi naman lahat ng produktong petrolyo ang hinihinging magsuspendi ng excise tax kundi ang diesel, kerosene, LPG at gasolina.

Lalo aniyang nababaon sa kahirapan ang mamamayang Pilipino lalo pa at hindi pa tapos ang pandemya kaya hindi na dapat hintayin na umabot pa sa “hyper-inflation” bago kumilos.

Nabatid na may pagpupulong pa sa Marso 15 ang Malakanyang kung saan inaasahang mapag-uusapan ang hinggil sa suspensyon ng excise tax.

Batay sa kasalukuyang batas, magpapatupad ng otomatikong suspensiyon sa excise tax kung umabot na sa $80 ang kada bariles sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.