VIGAN CITY – Naniniwala ang Makabayan bloc na makakakuha sila ng sapat na boto upang manalo ang kanilang kandidato sa House speakership na si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate bilang kapalit ni outgoing House speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ay sa kabila ng pagpapakita ng halos karamihan sa miyembro ng Kamara ng kanilang suporta kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Gabriela Partylist Rep. Arlyn Brosas, sinabi nito na bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na buwan o sa nakatakdang pagbubukas ng joint session ng 18th Congress, umaasa silang madadagdagan pa ang mga kasamahan nilang kongresista na maghahayag ng kanilang pagsuporta kay Zarate bilang susunod na House speaker.
Maliban pa dito, sinabi ni Brosas na panahon na umano upang mayroong House speaker na manggaling sa oposisyon at tunay na nagmamalasakit sa mga mahihirap at mga vulnerable sector.
Aniya, nagdesisyon umano ang kanilang grupo na pumili ng kanilang kandidato para sa House speakership matapos na hindi sila makontento sa sagot ng ilang kongresista na naghahangad ng nasabing posisyon.
Lalo na ang posisyon ng mga kandidato sa iba’t ibang isyu na kinakaharap ng bansa, kasama na ang isyu ng dagdag-sahod sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa.