Mahigpit na tinututulan ng Makabayan bloc ang pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang mandatory ROTC para sa lahat ng estudyante sa senior high.
Ito ay matapos siguraduhin ni Duterte sa 18th Congress ang pagpasa ng panukalang batas patungkol sa mandatory military training.
Sa talumpati ng Pangulo sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), makakatulong umano ito upang patatagin pa ang depensa ng Pilipinas.
Hindi naman ito ikinatuwa ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas. Aniya, hindi raw tama na sa murang edad pa lamang ay turuan nang humawak ng baril ang mga kabataan.
Dapat umano ay mag-focus na lamang ang Duterte administration sa pagbibigay ng tamang kalusugan at edukasyon sa mga batang mas higit na nangangailangan nito.
Sinegundahan naman ni Kabataan partylist Rep. Sarah Elago ang pahayag ni Brosas.
Ayon kay Elago, hindi raw susuko ang kanilang grupo na harangin ang mandatory ROTC.