Bumubuo na ng impeachment complaint ang Makabayan Bloc laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Makabayan Coalition Vice Pres. Teddy Casiño, ang mga isyung kinakaharap ni VP Sara ay seryoso at hindi simpleng krimen, tulad ng hindi maipaliwanag na paggastos ng confidential at intelligence fund, pagtatangka ng OVP na pagtakpan ang anumalya sa paggastos ng naturang pondo, mga kontrobersyal na statement ni VP Sara ukol sa pagpatay kina PBBM, First Lady Liza Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang mga naturang isyu aniya ay maaaring maituring bilang ground para sa graft and corruption, betrayal of public trust at ‘other high crimes’, tatlong basehan para sa impeachment complaint, batay sa probisyon ng saligang batas.
Kasalukuyan na aniyang isinasailalim sa assessment ng legal team ng Makabayan ang lahat ng ebidensiya upang makabuo ng solidong kaso para sa tuluyang pagkakatanggal ni VP Sara.
Ayon pa kay Casino, maling ituring ang lahat ng isyu na kinakaharap ni VP Sara bilang simpleng political issue bagkus, seryosong banta ang mga ito sa pamahalaan at sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, wala pa aniyang nakakausap ang Makabayan na maaaring mag-sponsor sa ihahaing complaint.
Samantala, ikinalungkot naman ng naturang grupo ang unang pahayag ni Ombudsman Samuel Martires na wala pang rason upang para kasuhan si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Casino, masyadong maaga ang inilabas na statement ni Martires. Mas nakabubuti aniyang hintayin na muna ng Ombudsman ang resulta ng pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability bago magbigay ng komento.
Nakakalungkot din aniya na ganito ang pahayag ng dapat sana’y ‘Number one guardian’ sa usapin ng graft and corruption.