Palusot lamang ang katuwiran ng mga negosyante na malulugi umano sila sa sandaling maisabatas ang dagdag na P200 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay House Assistant Minority Leader Arlene Brosas, sa katotohanan anya, ang mga manggagawa ang nagsa-subsidize sa kita ng mga negosyante mula sa kakarampot nilang sahod.
Apela ni Brosas sa mga negosyante, mahiya naman silang umangal sa wage hike dahil sila ang nakinabang sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act at napakarami pa nilang tax incentives at privileges sa ilalim ng CREATE MORE Law.
Umaapela si Brosas kay Pangulong Bongbong Marcos na i-certify as urgent bill ang panukalang P200 wage hike sa private sector workers.
Naniniwala si Brosas na may sapat pang panahon ang Kamara para ito ay talakayin sa plenaryo dahil nagagawa nila na manatili ng magdamag sa budget hearing, ano pa kaya sa dagdag na benepsiyo para sa mga manggagawa.
Hindi man sapat anya ang dagdag ng P200 pero malaking tulong na ito pandagdag sa budget ng mga manggagawa sa harap ng patuloy na pagtaas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.