LEGAZPI CITY – Nagdulot ng abala sa mga motorista ang kapal ng putik sa kahabaan ng Brgy. P. Teston-Putsan Road sa Baras, Catanduanes.
Matapos kasi ang mga naranasang pag-ulan, nadala ng tubig ang putik sa kongkretong daan kaya naging madulas para sa maliliit na sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Baras MDRRMO head Engr. Khalil Tapia, nasa 80 hanggang 100 metro ang naapektuhan nito sa bagong gawang kalsada.
Dating rough road ang daan at nag-cut lamang sa gilid ng isang bundok para makuha ang standard na sukat subalit ganito ang nagiging scenario kapag malakas ang mga pag-ulan.
Ilang motorista ang nagpaabot sa MDRRMO ng impormasyon sa minor vehicular accident dahil sa madulas na kalsada.
Mano-mano ang naging clearing operations ng rumespondeng teams na inabot pa hanggang hapon lalo pa’t walang katuwang na firetruck ng Bureau of Fire Protection na isinailalim naman sa maintenance.
Umabot kasi sa limang pulgada ang kapal ng putik sa ibang bahagi ng daan.
Samantala, nagpaalala pa rin ng pag-iingat si Tapia sa mga motorista dahil hindi pa gaanong cleared ang lugar.