Naniniwala ang mga miyembro ng House of Representatives na ang trilateral summit sa pagitan ng Estados Unidos, Japan at Pilipinas ay isang pagkilala sa bansa bilang mahalagang bahagi ng Indo-Pacific region.
Ayon kina Lanao del Norte 1st District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Miguel Almario, at Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, kinakailangang pagtibayin ang kahalagahan ng bansa sa mga usapin sa rehiyon sa pamamagitan ng pakikilahok sa pulong.
Sinabi pa ni Dimaporo, na siya ring chairman ng House Committee on Muslim Affairs, na ang pagpupulong sa Washington, D.C. nina U.S. President Joe Biden, Japan Prime Minister Fumio Kishida, at President Ferdinand R. Marcos, Jr. ay nagpapatibay sa posisyon ng Pilipinas bilang mahalagang kaalyado nito sa Indo-Pacific.
Naniniwala rin si Dimaporo na epektibo ang pinapairal na foreign policy ng Pangulong Marcos bilang “kaibigan ng lahat at walang kaaway” ang siyang nagpaangat at nagbigay ng pagkilala sa bansa sa buong rehiyon.
Nakikiisa rin si Almario, na miyembro ng House Committees on National Defense and Security and on Strategic Intelligence, sa aktibong partisipasyon ng Pilipinas sa “trilateral summit” na nagpapakita ng dedikasyon ng bansa sa pagpapalakas ng alyansa at pagsusulong ng katatagan sa rehiyon.
Naniniwala rin si Adiong na ang pakikiisa ng bansa sa summit isang mahalagang hakbang para sa Pilipinas.
Paliwanag naman ni Adiong na ang trilateral summit ay magbibigay-diin sa paglago ng bansa sa pagtugon sa mga hamon sa pamamagitan ng collaborative efforts.