Kukunin ng city government ng Makati ang ilang mga jeepney drivers ng lungsod na hindi nakapagpasada dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, magiging katuwang ang mga jeepney drivers sa inilunsad nilang mobile learning hub ng lungsod.
Makakasama nila ang mga guro at librarian na naglalayong matulungan ang mga mag-aaral at magulang na makasabay sa blended learning.
Nakipag-ugnayan na ang city government sa Makati Jeepney Operators and Drivers Association (MJODA) para sa rerentahan nilang jeep.
Sa inisyal ay mayroon 27 jeepney drivers na kukunin na mag-iikot sa mga barangay kapag magsisimula na ang klase sa buwan ng Oktubre.
Sinabi naman ni Rita Riddle, ang program director ng Makati Education Department, magbabayad sila ng P2,000 kada araw sa mga jeep.
Maaaring umabot pa sa 100 drivers sa bawat linggo ang kanilang kukunin, depende sa rekomendasyon ng MJODA.
Sa pagbubukas ng klase sa Oktubre, ang mga dyip na ginawang mobile learning hubs ay mag-iikot sa mga barangay, sakay ang mga guro at librarian, pati na mga libro at iba pang learning materials at mga laptop na may internet connection.
Ang pangunahing pakay nito ay ang mga mag-aaral na walang gadget o anumang learning tool, at mga magulang na mahihirapang gabayan at turuan ang kanilang mga anak gamit ang self-directed learning modules.
Sa ngayon, nalagpasan na ng Makati ang target enrolment nito at umabot na sa halos 83,000 ang mag-aaral na nakapag-enrol sa public elementary at high schools ng lungsod.