Tinawag ni Makati City Mayor Abby Binay bilang ‘denial of democracy’ ang naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na hindi payagan ang mga residente ng Embo Barangays na bumoto para sa congressman o kinatawan sa nalalapit na 2025 Midterm Elections.
Kahapon nang inanunsyo ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na maaaring makaboto ang mga residente ng mga naturang brgy para sa national at local position ngunit pagbabawalan silang bumoto ng kinatawan sa Mababang Kapulungan.
Katwiran ng Comelec chair na walang kasalukuyang batas na nagsasabing may bagong distrito sa taguig City, kasunod ng naging paglilipat ng hurisdiksyon sa mga naturang brgy. Ang mga ito ay dating nasa ilalim ng Makati City.
Gayunpaman, sinabi ni Mayor Binay na karapatan ng mga residente na magkaroon ng sarili nilang kinatawan sa Kongreso. Ito aniya ay basic principle sa ilalim ng demokrasya.
Ang desisyon ng Comelec aniya ay hayagang pagkakait sa kanila ng kanilang karapatan.
Giit ng alkalde na ang mga city councilors ay inilalahal sa pamamagitan ng legislative district. Kung makakaboto ang mga botante ng city councilors, maaari din aniya silang makaboto ng district representative.
Kasabay nito ay hinikayat ng alkalde ang Taguig City government na ilaban ang karapatan ng mga residente para makaboto ng kanilang kinatawan.