Inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay na inumpisahan na ng lungsod ang house-to-house na pagbibigay ng libreng shingles vaccine na layong mabigyan ng proteksyon ang mga immunocompromised at senior Makatizens.
Aniya, ang shingles vaccination drive ng Makati ay mahalagang hakbang sa patuloy na pagsusulong ng kalusugan at kaligtasan ng lahat ng Makatizens. Sa pagbibigay ng proteksyon sa mga mamamayang mahina ang resistensya sa sakit, maitataguyod ang mas malusog, protektado at matatag na komunidad, dagdag pa ni Mayora Abby.
Sa ngayon, ang Makati ang tanging pamahalaang lokal sa bansa na nagbibigay ng libreng shingles vaccine.
Inatasan ng alkalde ang Makati Health Department (MHD) vaccination teams na magsagawa ng house-to-house visits sa iba’t ibang barangay sa lungsod upang ibigay ang unang dose ng bakuna.
Umabot sa halos 12,000 residente ang nakapag pre-register para sa Shingrix vaccine simula Enero ngayong taon.
Ang bakuna na ibinibigay ng dalawang beses ay nakalaan sa immunocompromised adults edad 19 pataas at senior residents edad 50 hanggang 80. Ang ikalawang dose ay ibibigay pagkatapos ng isang buwan sa immunocompromised na residente, habang ang para sa senior citizens ay pagkatapos ng dalawang buwan.
Ang bawat dose ng Shingrix vaccine ay nagkakahalaga ng mula P8,000 hanggang P10,000. Libre lamang ito para sa Makati Yellow Card holders.