-- Advertisements --
Makati City Hall
IMAGE | Makati City Hall/Christian Yosores

Nagbanggaan sa isang forum ang magkapatid at magkalaban sa pagka-alkalde ng Makati City na sina incumbent Mayor Abigail Binay at dating Mayor Junjun Binay.

Sa gitna ng election forum na inorganisa ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa San Ildefonso Parish nitong Sabado ng gabi, nagpasaring ang kasalukuyang alkalde laban sa kanyang kapatid dahil sa umano’y pagpapakalat nito ng maling impormasyon.

“Sa natitirang panahon sa ngayon sa kampanya tigilan na ang pagkakalat ng kasinungalingan, tigilan na ang pagkakalat,” ani Abby.

Nasaksihan ng mga dumalo ang sagutan ng magkapatid makaraang bumalik sa kanyang upuan si Abby matapos ang kanyang speech.

Makikita sa video ng isang netizen ang pagawat sa kanila ng hepe ng Makati City police chief Pablo Simon.

Pumagitna rin ang kanilang ama at congressional candidate na si dating Vice Pres. Jejomar Binay.

Matapos nito ay agad nagpahayag ng kanyang depensa ang nakababatang Binay.

“Alam mo ate Abby, nandito tayo. Pwede po katahimikan pinandidilatan po ako ng kapatid ko. Bakit ko gagawin? Nagsasabi raw ako ng kasinungalingan. Ibang klase,” depensa ni Junjun.

“O ayan lumalabas tunay na ugali. Walang respeto. Ako po ay humarap dito ng buong paggalang sa simbahan pero pangdidilatan ako ng mata ng kapatid ko. ’Yung ospital ng Makati hanggang ngayon hindi nagagawa,” dagdag nito.