Naglabas ng video message ang United Nations (U.N.), sa pangunguna ni U.N. Chief António Guterres para sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Pinalabas ang naturang mensahe sa official social media channel ng U.N., kung saan tinalakay ni Guterres ang mga hamong pinagdaanan ng mundo sa 2023.
Kabilang sa mga binanggit ng U.N. chief ang pagharap ng maraming tao sa matinding kahirapan at gutom dahil sa kakulangan ng suplay dulot ng mga tunggalian ng mga bansa at ng mga delubyo dala ng pabago-bagong klima.
Umaasa si Guterres na may pag-asa pa para manumbalik ang kapayapaan at kasaganahan, sa kabila ng mga pangdaigdigang suliranin. Ito ay kung sisimulan ng mga bansa na magkaisa at magkasundo sa paggawa ng mga epektibong solusyon sa pangkalahatang krisis.
Pinayuhan din ng U.N chief ang publiko na gamitin ang teknolohiya ng wasto, partikular ang artificial inteligence.
Nararapat din na isagawa ang Sustainable Development Goals at laging isaalang-alang ang mga karapatang pantao, aniya.
“Let’s resolve to make 2024 a year of building trust and hope,” wika ni Guterres.
Tinapos ng U.N. chief ang video message sa pagbati sa lahat ng masaya at mapayapang Bagong Taon.
Photo courtesy from U.N.