TACLOBAN CITY – Ikinagagalak ng buong diocese ng Borongan ang mainit na pagtangkilik ng mga Pilipino at pagpapahalaga ng mga ito sa makasaysayang Balangiga Bells mula nang maibalik ito sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Ayon kay Fr. Serafin Tybaco, parish priest ng San Lorenzo de Martir Parish Church sa Balangiga, Eastern Samar, mula noong December 16 ng nakaraang taon ay aabot na sa mahigit 100,000 katao ang bumisita sa kanilang bayan upang masilayan ang mga kampana.
Aniya, kahit may bagyo o anumang panahon ay may mga bumibisita pa rin sa kanilang lugar na malaki ang naitulang upang maipromote ang buong bayan ng Balangiga.
Kasabay sa selebrasyon ng unang anibersaryo ng pagsauli ng Balangiga bells o tinawag sa Estados Unidos na San Lorenzo Bells, ay sinumulan ngayong araw ang hiwalay na selebrasyon ng Dioce of Borongan kung saan nagkaroon ng parada, commemorative mass at programa kung saan kasabay ng 500 days countdown sa ika-500 taon ng Mactan Victory ay papailawan ang nasabing mga kampana.
Nabatid na napili ang Balangiga bells bilang isa sa 21 historic sites sa buong Pilipinas na magsasagawa ng landmark lighting.
Samantala, bukas ay inaasahang libu-libong katao rin ang dadalo sa selebrasyon ng 1st year anniversary ng Balangiga bells return na inihanda mismo nga local government ng Balangiga Eastern Samar.