Umagaw ng atensiyon ang 10-anyos na bata sa isang event ni Pope Francis na naging makulit sa kanyang Vatican event.
Una rito habang nakaupo ang Santo Papa lumapit sa kanya ang bata, hinawakan ang kanyang dalawang kamay at tuwa-tuwang na lumukso.
Game namang natuwa rin si Pope Francis at binigyan din ng atensiyon kahit nakikigulo ito sa okasyon.
Ilang beses na ring nagpabalik balik sa entablado ang bata habang serysong may binabasa si Francis.
Nang hindi pa rin tumitigil ang bata, tumayo na si Monsignor Leonardo Sapienza, ang head ng protocol, kumuha ito ng upuan at pinaupo ang bata sa tabi na kanang bahagi ni Francis.
Hindi pa nagtapos dito ang kakulitan ng bata.
Nakita naman ng binatilyo ang scull cap o zucchetto sa ulo ni Pope Francis at ito naman ang nilaro.
Dito na natawa ang libu-libong mga audience, habang ang iba ay giliw na giliw sa panonood sa bata.
Sa pagkakataong ito, kumuha na ang ilang Vatican officials ng isa pang sombrero o skull cap para matigil na ang makulit na bata.
Nang makita ito ng mga mananampalataya, natutuwang nagpalakpakan na ang lahat.
Napag-alaman na ang bata pala ay may “limitasyon” umano sa pag-iisip.
Nangingiti na lamang si Pope Francis, na kilalang malapit sa mga bata, at nagsabing nagpapasalamat siya sa naturang bata at kahit papaano ay may natutunan silang aral mula rito.
Ipinagdasal din nito ang kanyang limitasyon hanggang sa ito ay lumaki.