-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Patuloy na nakakaranas ng mataas na presyo ng karneng baboy ang mamamayan sa mga pangunahing pamilihan sa lalawigan ng Aklan na nagdudulot ng matinding pasanin hindi lamang sa mga mamimili kundi maging sa mga tindero at iba pang negosyante.

Ayon kay Dra. Mabel Siñel ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET), ang nasabing suliranin ay dahil sa nananatiling nasa red zone ang mga bayan ng Kalibo, Numancia, Tangalan, Ibajay at Buruanga sa Aklan matapos ang pananalasa ng African Swine Fever.

Napag-alaman na ang bentahan ng mga livestock ng baboy sa lalawigan ay nasa P220 hanggang P250 kada kilo habang ang retail prices naman ay umaabot sa P350 hanggang P400 kada kilo depende sa bahagi ng karneng baboy na para sa ilan ay mala-ginto na ang presyo ng pangunahing bilihin.

Nakakalungkot man aniya ni Siñel ang nangyayari sa kasalukuyan ngunit positibo pa rin ang kanilang tanggapan na magagawan ng paraan ng Department of Agriculture (DA) na mapababa ang nasabing presyo ng karneng baboy.

Sa ngayon aniya ay patuloy ang kanilang ginagawang disinfection sa mga kulungan ng baboy ng mga identified hog raisers na apektado ng African Swine Fever upang makapag-alagang muli ang mga ito ng baboy.