CEBU CITY – Hindi na umano bago at normal na para sa mga taga Barangay Burgos sa bayan ng Pakil, Laguna ang mala-swimming pool na kulay ng tubig baha sa lugar.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Pakil Mayor Vincent Soriano, sinabi nitong natural na malinis ang tubig na nanggaling direkta sa Turumba Spring Resort kung saan noong humupa ang Bagyong Ulysses ay naging “bluish” na ang kulay ng baha sa nasabing lugar.
Deklarado din umanong “fish sanctuary” ang kanilang bayan kaya ang mga isda sa Malaking Ilog na sakop ng Barangay Burgos na madadala ng tubig ay puwedeng mabingwit ng mga residente, ngunit nilinaw ng alkalde na kapag walang baha ay hindi ito puwedeng makuha.
Inilarawan ni Mayor Soriano na sadyang “crystal clear” ang tubig sa nasabing ilog kahit na walang baha at kung may baha man, iilang oras lang at magiging “bluish” na mala-swimming pool na ang kulay ng tubig baha.
Aniya, hindi naman nito pinipigilan ang mga residente na maligo, ngunit kanyang paalala na baha pa rin ito at hindi dapat magpakampante ang mga tao dahil posibling may dala pa rin itong sakit.
Kung maalala, nag-viral ang social media post ng isang Lorraine Antazo, matapos na nakita ang nakakamanghang tubig baha sa Barangay Burgos sa nasabing bayan.