-- Advertisements --

Mas mababa ang naitalang mga kaso ng mala-trangkasong sakit o influenza-like illness (ILI) sa Pilipinas noong Disyembre 31, 2024 ayon sa Department of Health.

Base sa DOH Influenza-like Illness (ILI) Surveillance System, nakapagtala ng kabuuang 179,227 na mala-trangkasong sakit noong Disyembre 31, 2024, na mas mababa pa rin ng 17% kumpara sa 216,786 na kaso na naitala noong nakaraang taon.

Iniugnay ng ahensiya ang pagbabang ito sa mas pinahusay na health-seeking behaviors at practices at mas mahusay pang paghahanda ng sektor ng kalusugan.

Kaugnay nito, patuloy ang paghimok ng DOH sa publiko na umiwas sa sakit ngayong Amihan season na nagdadala ng mas malamig na panahon.

Payo ng ahensiya na isagawa ang respiratory etiquette tulad ng pagtatakip sa ubo gamit ang siko; pananatili sa bahay kapag may ubo, sipon, o lagnat; at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig.

Binigyang-diin pa ng DOH na ang panahon ng Amihan ay maaaring humantong sa pagtaas ng mga kaso may kinalaman sa kondisyon sa paghinga tulad ng allergy o respiratory infections.

Ayon sa DOH, ang ILI ay nailalarawan sa pamamagitan ng ubo, sipon, at lagnat. Ito ay karaniwang sanhi ng 5 klase ng respiratory virus gaya ng Rhinovirus , Enterovirus, Influenza A, Respiratory Syncytial Virus at Adenovirus.

Samantala, nauna na ngang inamin ng DOH na may pagtaas ng mga karaniwang acute respiratory infections sa ibang mga bansa gaya ng Respiratory Syncytial Virus (RSV) at Human Metapneumovirus (hMPV) base na rin sa World Health Organization (WHO).

Subalit inaasahan na aniya ang pagtaas ng nasabing mga sakit lalo na sa panahon ng taglamig sa China at iba pang mga bansa sa Northern Hemisphere. Nilinaw din ng mga awtoridad ng China sa World Health Organization (WHO) na ang healthcare system ng China ay hindi pa napupuno at walang emergency declaration o response na nangyayari.