Hinimok ang mga investors ng Kapa Community Ministry International (Kapa) na gawing pormal ang reklamo upang mabawi ang perang ipinasok sakaling may desisyon na ang korte dito, ayon kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nograles, ang siyang nagsiwalat sa Ponzi scheme ng Kapa, iginiit nito na malabo nang makakuha ng pera ang mga investors mula sa Kapa mismo.
Ang mainam aniya na gawin sa ngayon ng mga ito ay magreklamo at ipatala sa Securities and Exchange Commission ang kabuaang halagang ipinasok sa Kapa.
Sa ganitong paraan, kapag mayroon na aniyang desisyon ang korte, at ma-iaward na ang siezed assets ng Kapa, ay maibabalik aniya ang mga ito sa mga investors.
“Sabihin sa SEC kung magkano ang na-invest para alam nila na kabilang kayo sa mga na-scam para sa panahon na may makuhang pera kay Apolinario at sa mga kasama niya na maibalik ito sa inyo,” ani Nograles.
Bukod sa actual damages, maari rin aniyang ipag-utos ng korte na bigyan ng moral at exemplary damages ang mga nabiktima ng Kapa.
Pero ito ay maari lamang sa oras aniya na i-award na aniya ng gobyerno ang mga siezed assets ng Kapa.
Mababatid na matapos na isiwalat ni Nograles ang Ponzi scheme ng Kapa noong nakaraang taon ay ipinag-utos ng pamahalaan ang siezure sa assets ng Kapa habang ito ay iniimbestigahan.